Protesta ng Piston, 0.02% ng mga pasahero lang ang naapektuhan: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 10:02 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Muling nagsagawa nitong Lunes ng kilos-protesta ang transport group na Piston para ipahayag ang kanilang pagtutol sa jeepney modernization program ng gobyerno. 

Pero minaliit ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsabing maliit na porsiyento ng mga pasahero ang naaapektuhan ng protesta. 

Nagsimula ang programa ng mga lumahok sa Welcome Rotonda, Quezon City bago sila nagmartsa sa kahabaan ng España Boulevard papuntang Mendiola sa Maynila.

Ayon sa mga nakiisa sa protesta, wala umanong pakialam ang gobyerno sa daan-libong tsuper at operator na mawawalan ng kabuhayan kapag sinipa sa mga lansangan ang mga jeepney.

Iginiit naman ni Aileen Lizada, board member ng LTFRB, hindi na sana humantong sa panghuhuli ng mga bulok at mausok na jeep kung sinunod lang ng mga tsuper at operator ang batas.

"Matagal na hong napabayaan ng mga transport operators particularly ang mga public utility jeepneys," sabi ni Lizada.

Ikinasa noong Enero ang kampanyang "Oplan Tanggal Usok, Tanggal Bulok" na layong mapaalis sa mga kalsada ang mga bulok at mausok na pampublikong sasakyan.

Nasa 75 hanggang 80 porsiyento ng mga jeep ang umano'y bulok at mausok. 

Dagdag pa ng LTFRB, nasa 0.02 porsiyento lang ng kabuuang 3.7 milyong pasaherong sumasakay ng jeepney ang apektado ng protesta.

Buwelta naman ni Piston president George San Mateo ay hindi sila inabutan ng anumang ayuda ng gobyerno.

"Yung MRT na isang private company, sina-subsizide ng gobyerno ang maintenance ... siguro kung kami 'yong may ganoon na subsidy na bilyon-bilyong piso, hindi sana nagkaganu'n iyong mga jeepney natin," ani San Mateo.

"Lahat ng kita ng jeepney, mapupunta sa oil company 'tsaka sa buwis at kotong ng gobyerno, 'di mo na pakakainin pamilya mo," dagdag pa niya.

Ngayong linggo inaasahang muling sasampahan ng kasong kriminal si San Mateo bunga ng pangunguna niya sa mga tigil-pasada noong nakaraang taon.

Tinanggap naman ni San Mateo ang tangkang pagsampa ng kaso.

"Diyan naman magaling ang gobyernong Duterte eh, paggawa ng mga trumped-up charges," aniya.

Magkakaroon umano ulit ng nationwide strike ang mga tsuper at operator ng jeepney sa Marso.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.