Paglilitis sa kasong isinampa ng 'Morong 43', ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 11:33 AM | Updated as of Sep 26 2018 08:46 AM

Hindi itinuloy ng Sandiganbayan 7th Division ngayong Lunes ng umaga ang pagdinig sa kaso laban sa ilang mga militar at pulis na inihain ng tinaguriang "Morong 43."

Kaugnay ito sa kasong paglabag sa Republic Act 7438 o tinatawag na Act Defining Rights of Persons Arrested, Detained or Under Custodial Investigation.

Inirereklamo ng respondents na hindi sila pinayagan magkaroon ng abogado sa panahon na umano'y inaresto at kinulong sila ng mga pulis at militar noong Feb 6, 2010.

Kabilang sa mga inireklamo nila sa korte sina Lt. Gen. Jorge Segovia, Maj. Gen. Aurelio Baladad, Brig. Gen. Joselito Reyes, Col. Cristobal Zaragoza, P/Supt. Marion Balonglong, P/Supt. Allan Nobleza, at Maj. Jovily Cabading.

Sa kauna-unahang pagdinig, bigong tapusin ng prosekusyon at depensa ang joint stipulation of facts para magawa ang pre-trial order.

Samantala, sinabayan ng kilos protesta ng ilang grupong sumusuporta at nananawagan para sa hustisya para sa "Morong 43" ang pagdinig. Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News