MRT, 2 beses naantala ang operasyon dahil sa power supply failure

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 05:40 PM | Updated as of Sep 03 2019 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang beses naantala ang operasyon ng MRT-3 nitong Lunes dahil sa power supply failure, ayon sa pamunuan ng tren. 

Nagsimulang magpatakbo ng tren ang linya bago mag-alas-7 ng umaga, isa't kalahating oras mula sa iskedyul ng unang biyahe na alas-5:30 ng madaling araw.

Hindi mapatakbo ang mga tren dahil nagkabuhol-buhol umano ang mga kable kung saan dumadaloy ang kuryente sa may bahagi ng North Avenue at Kamuning station, ayon sa MRT. 

"Our contractor for the Power Capacity Expansion Project of MRT-3 did cable pulling works last night. We are investigating the possibility of the works affecting the wirings," sabi ng pamunuan ng MRT sa isang pahayag.

Nagdulot ang aberya ng mahabang pila sa mga istasyon ng linya.

"Talagang hirap kasi ... araw-araw ganito iyong sistema," sabi ng isang pasahero.

"Unstable talaga, hindi mo masabi kung kailang may pila, kailan wala," anang isa pang pasahero. 

Nagpakalat naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga trak at isinakay nang libre ang mga pasaherong papuntang Ortigas at Ayala. 

Sampung trak din ng Philippine Coast Guard ang pinakalat para sa mga stranded na pasahero.

Pitong tren ang napatakbo matapos maantala noong umaga, malayo sa maximum capacity na 20 tren.

Naputol muli ang biyahe bago mag-alas-2 ng hapon mula Taft Avenue hanggang Shaw Boulevard station dahil ulit sa power supply failure.

Alas-3 ng hapon naibalik sa normal ang operasyon ng linya.

Tinitingnan pa ng pamunuan ng MRT kung konektado ang dalawang insidente ng power supply failure.

Habang nagkasunod-sunod ang aberya nitong Lunes, sinuri naman ang mga biniling tren mula sa Dalian, China.

 

Matatandaang naging kontrobersiyal ang mga biniling Dalian train dahil hindi umano compatible o angkop ang mga ito sa linya.

Tatlong beses tumakbo ang Dalian trains sa linya nang walang sakay na pasahero.

Wala namang binigay na impormasyon ang Department of Transportation (DOTr) kung mapatatakbo pa ang bagong tren.

Pinaikli simula Nobyembre ang mga oras ng operasyon ng MRT.

Sa ngayon ay alas-5:30 ng madaling araw nagsisimula ang biyahe at nagtatapos ng alas-10:30 ng gabi, mula sa dating iskedyul na alas-5 ng madaling araw hanggang alas-11 ng gabi.

Una nang binasura ng DOTr ang mga hiling na itigil muna ang operasyon ng MRT bunsod ng mga sunod-sunod na aberya.

Nasa kalahating milyong pasahero kada araw ang pinagsisilbihan ng MRT, na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA at sumasagi sa mga lungsod ng Quezon City, Mandaluyong, San Juan, Makati, at Pasay.

-- Ulat nina Jacque Manabat, Joyce Balancio, at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.