Magtataho, nagpanggap umanong nabundol, nanghingi ng pera

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 01:44 PM | Updated as of Sep 03 2019 12:49 PM

Watch more in iWantTFC

Isang lalaki ang pinaghinalaan ng mga tauhan ng isang barangay sa Tondo, Maynila na nagpanggap bilang magtatahong nagpabangga sa sasakyan para makahingi ng pera sa driver.

Sa kuha ng CCTV sa Moriones Street sa Barangay 6, Zone 1, Tondo noong Sabado ng gabi, makikita ang isang lalaking may nilalakong taho sa gilid ng kalsada at tila naghahanap ng tiyempo para makatawid.

Kapansin-pansin na ilang beses walang dumaan na sasakyan pero hindi pa agad tumawid ang magtataho.

Nang lumakad na siya ay bigla siyang tumama sa gilid ng isang umaandar na sasakyan at pumihit bago bumagsak sa kalye.

Natapon ang dalang taho ng lalaki at nagpagulong-gulong ito.

Naghinala umano sa magtataho ang barangay kagawad na si Lea Chua nang manghingi umano ito ng pera sa driver sa halip na magpadala sa pagamutan.

Pina-blotter na lang sa barangay ang insidente matapos mapanood ng driver ang kuha ng CCTV ng barangay at pinauwi na lang ang magtataho.

Nag-viral kamakailan ang dashcam video ng pagbangga ng kotse sa isang magtataho sa Quezon City, na pinaghinalaan ng pulisya bilang modus na "talakbu" o "taho-lako-bundol."

Noong nakaraang linggo, nakuhanan naman ng CCTV ang pagpapanggap ng isang matandang lalaki na masagasaan ng sasakyan sa Imus, Cavite para makakuha ng pera mula sa driver ng sasakyan. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.