Patay ang isang lalaking sinasabing nasa ilalim ng impluwensiya ng droga matapos tumalon mula sa ika-34 palapag ng isang gusali sa Mandaluyong noong Linggo ng gabi.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Mandaluyong police, sinadya umanong tumalon ng call center agent na si alyas "Jake" mula sa gusali matapos gumamit ng drogang lysergic acid diethylamide (LSD).
Kasama ni Jake ang kaniyang nobyang si alyas "Jessica" nang gamitin ang LSD, na isa umanong uri ng aphrodisiac o pampadagdag ng gana sa pakikipagtalik.
"Sinubukan nilang gumamit ng LSD, parang 'aphrodisiac' ito eh ... 'pag nasobrahan ka, feeling mo you're like superman," ani Senior Superintendent Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong police.
Maliit at manipis na papel lang ang hitsura ng LSD, na nagkakahalaga ng P1,000 kada piraso.
Ikinagulat naman ng ina ng biktima na gumagamit ng droga ang kaniyang anak.
"Kuwento noong siyota, fino-force daw siyang gumamit, 'for sex' daw iyon," anang ina ni Jake.
Sinabi naman ni "Jessica" na pangalawang beses na nilang gumamit ng LSD.
"Umo-order po siya (Jake)... Sabi ko tigilan na niya," aniya.
Paliwanag ni Villaceran, sa Facebook umano madalas nangyayari ang transaksiyon sa pagitan ng supplier ng droga at mamimili.
Pinadadala umano ang bayad sa pamamagitan ng mga money transfer service bago ipahatid sa mga transport network vehicle service driver.
Dahil hitsurang papel, iniipit ang LSD sa libro para hindi mahalata ng tagahatid.
Inaalam pa ng Mandaluyong police kung sino ang katransaksiyon ng magkasintahan.
-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, droga, krimen, war on drugs, metro, LSD, lysergic acid diethylamide, Mandaluyong, droga, TV Patrol, Ernie Manio