Joanna Demafelis, nag-OFW para sa pamilyang nasalanta ng 'Yolanda'

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 08:37 PM | Updated as of Sep 03 2019 12:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sakripisyo para sa pamilya ang pangingibang-bansa ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa Kuwait nito rin lang Pebrero. 

Nagdesisyon si Demafelis na makipagsapalaran sa Kuwait noong 2013 matapos masalanta ng super typhoon "Yolanda" ang kaniyang pamilya sa Sara, Iloilo.

Hindi matanggap ng mga naiwang kaanak ni Demafelis na kamatayan pala ang kapalit ng pangarap ng OFW na mabigyang kaginhawaan sa buhay ang pamilya.

Kuwento pa ng nagdadalamhating kapatid ni Demafelis na si Jessica, 17 anyos nang magsimulang magtrabaho ang kaniyang ate bilang kasambahay sa Maynila.

Nakatapos lang ng high school si Demafelis at pinili niyang magtrabaho agad dahil hindi sapat ang kinikita ng kanilang pamilya sa palayan para sa pag-aaral nilang magkakapatid.

Pangarap din naman daw ni Demafelis na makapagtapos ng kolehiyo, pero inuna niyang kumayod para hindi matigil sa pag-aaral ang mga kapatid.

Kuwento ng gurong si Lyda Franco sa Sara National High School kung saan dating nag-aral ang OFW, napakaresponsable at masipag na estudyante si Demafelis.

Ayon naman sa isa pang gurong si Phoebe Pagdato, minsan ay lumiliban sa klase si Demafelis dahil nagtatrabaho.

Pitong taong nagtrabaho bilang kasambahay sa Maynila si Demafelis bago naging OFW sa Kuwait.

Umaasa ang naiwang pamilya ni Demafelis na madarakip ang employers ng OFW na suspek sa pagpatay sa Pinay. 

Sa ngayon, nag-abot na ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya Demafelis.

Ayon kay Brigido Dulay ng OWWA, nakapagbigay na sila ng educational, livelihood, at bereavement assistance sa mga kaanak ng OFW.

Dagdag naman ni Atty. David Bermudo ng Commision on Human Rights-Region 6, tutulungan nila ang pamilya na makamit ang hustisya para kay Demafelis.

Nagpapasalamat ang pamilya sa mga tumutulong sa kanilang makamit ang hustisya para sa Pinay na pinaslang sa Kuwait.

Inaasahan naman ang pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ni Demafelis. 

Sa unang araw ng burol nitong Linggo, Pebrero 19, dumagsa ang mga nakikiramay sa pamilya Demafelis.

-- Ulat ni Cherry Palma at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.