Granada, natagpuan sa kanal sa Cotabato City

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 10:48 PM

Natagpuan ng isang basurero ang isang granada sa kanal sa Bonifacio Street, Barangay Poblacion 6 sa Cotabato City nitong Sabado.

Ayon kay Nelson Banon Rico, napadaan lamang siya sa lugar kasama ang alagang aso nang biglang huminto ang alaga at tinahulan ang bahagi ng kanal.

Nang silipin niya ito ay nakita niya ang isang bagay na tila granada.

Agad niya itong ipinagbigay alam sa mga pulis, na agad namang rumesponde.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na isang M-61 fragmentation grenade ang nakita sa kanal.

Ayon kay police Senior Inspector Fidencio Sales, maaaring inihagis ang granada sa lugar.

"Posible na inihagis talaga yung granada doon sa area at base sa mga nakitang indication, bago pa lang iyon kasi hindi pa naman kinakalawang," aniya.

Dagdag pa ng Explosive Ordnance and Disposal Team, wala nang safety lever at safety pin ang granada.

Mabuti na lamang umano at may nakakita nito dahil may posibilidad pa itong sumabog.

Dahil hindi na rin ligtas, agad ring pinasabog ng EOD Team ang granada sa lugar.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang naghagis ng nasabing granada at kung sino ang target nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.