BALIKAN: Isyung pinag-ugatan ng 'frigate deal' hearing sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 10:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumentro ang pagdinig ng Senado nitong Lunes sa kontrobersiya ukol sa pagbili ng barkong pandigma ng Philippine Navy, partikular na ang sinasabing mensahe mula sa isang opisyal na posibleng pumapabor umano sa isang kompanyang panggagalingan ng sistemang gagamitin sa barko.

Unang nabuo ang kasunduan para sa pagbili ng frigate o barkong pangdigma noong 2016 sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Hyundai ng South Korea bilang bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization program.

Ngayon ay isyu sa proyektong ito ang teknolohiyang gagamitin para sa combat management system (CMS).

Unang inirekomenda ng Philippine Navy ang Tacticos Thales, isang teknolohiyang ginagamit ng mga barkong pangdigma sa 23 bansa.

Pero kamakailan, nabulabog ang marami nang lumutang sa ilang pahayagan ang tila mensahe ni DND Secretary Delfin Lorenzana kay noo'y Navy flag officer-in-command Admiral Ronald Mercado.

Dito niya pinapasagot ang "white paper" na galing umano kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.

Nilalaman kasi ng white paper na mas maiging gamitin sa CMS ang teknolohiyang mula sa Korea--ang Hanwa--kaysa ang gusto ng Navy na Tacticos Thales.

Sinundan ito ng pulong sa Malacañang na ipinatawag ni dating Undersecretary Christopher Lao, tauhan ni Go, sa mga kinatawan ng Philippine Navy at kinatawan ng Hanwa sa Korea.

Pero base sa kaniyang sulat sa DND, nanatili ang posisyon ni Mercado na dapat ang Tacticos Thales na nakabase sa The Netherlands ang dapat gamitin at hindi ang Hanwa ng Korea.

Pumalag din si Magdalo Rep. Gary Alejano sa isyu.

Pinabulaanan naman ni Go na sa kaniya nanggaling ang white paper.

"Kahit kami, kapag ginamit po 'yong pangalan, consider it denied. Pagkakataon na po itong marinig since live po tayo sa TV. Sana po lahat ng gumagamit ng pangalan namin, denied na 'yon," sabi ni Go sa pagdinig ng Senado sa isyu.

Nauna nang ipinagtanggol din ni Pangulong Rodrigo Duterte si Go.

"Alam mo, di ako magyabang, pero bilyonaryo ito [Go], sa totoo lang... Itong mga ganito, it seems to appear [he is] intervening because of what, money? The things that you are telling did not happen," sabi ni Duterte noong Enero 16.

Nakakita naman ng kakampi si Alejano sa isa pang dating pinuno ng Hukbong Sandatahan at noo'y Sen. Rodolfo Biazon.

Ani Biazon, wala umanong karapatan ang opisina ni Go para manghimasok sa technical decision ng Philippine Navy.

"Who says what must be bought? It is the flag officer-in-command, nobody else," sabi ni Biazon.

(Tanging flag officer-in-command lang ang puwedeng magsabi kung ano ang bibilhin ng Philippine Navy.)

Sa kabila nito, patuloy ang pagtutol ni Mercado sa Hanwa system ng Korea, hanggang sa siya ay bigyang babala ng DND.

Kalauna'y sinibak siya mula sa Navy.

-- Ulat ni Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.