Makakaasa ang mga mamimili ng mas murang halaga ng mga gulay sa mga pamilihan, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Ayon sa presidente ng grupo na si Rosendo So, maganda ang ani ng mga magsasaka bunsod ng magandang lagay ng panahon.
"Harvest kasi ngayon, medyo maganda ang weather maski sa upland at lowland. Kung maganda naman ang harvest ng mga magsasaka, malaki iyong production, talagang mas mababa ang presyo na maibibigay," aniya.
Sa Mega-Q Mart sa Quezon City, Sabado, mabibili ang 1/4 kilo ng kamatis sa halagang P15.00. P18.00 hanggang P25.00 naman ang 1/4 kilo ng calamansi. P120.00 ang kada kilo ng lokal na puting sibuyas habang P240.00 ang pulang sibuyas.
Mas mura naman ang imported na pula at puting sibuyas na mabibili sa halagang P140.00.
Mas mura na rin na mabibili ang iba pang klaseng gulay.
- Kangkong - P10
- Tali Okra - P120
- Kilo Luya - P80 / kilo
- Carrots - P70 / kilo
- Sitaw - P120 / kilo
- Cauliflower - P120 / kilo
- Repolyo - P70 / kilo
- Ampalaya - P120 / kilo
- Siling haba - P100 / kilo
- Sayote - P50 / kilo
- Pechay baguio - P60 / kilo
Ikinatuwa ito ng ilang mamimili tulad ni Ferdie Francisco.
"Sa ngayon kahit papaano okay okay na kasi nakakabili na ng hiwa-hiwa na gulay, pang pinakbet. Saka medyo bumaba na sibuyas nakakagamit na kami pang-ulam saka pang-tinda," aniya.
Ayon sa mga nagtitinda ng gulay, inaasahan na nila ang patuloy pang pagbaba ng presyo ng mga paninda kaya sapat lang ang mga gulay na ibinebenta sa mga puwesto kada araw.
"Ang ginagawa na lang namin, tinatantiya na lang namin yung kaya namin ubusin para sakaling bumaba, hindi kami gaanong apektado," ayon kay Norma Santos.
"May time po na bargain para po maubos ang paninda para kinabukasan po meron na naman," ayon naman kay Christian Abraham.
Samantala, mabibili naman ang kada kilo ng manok sa Mega Q-Mart sa halagang P210.00 mula sa dating P220.00.
Nananatili naman sa P285.00 ang presyo ng kada kilo ng baboy.
"Yung farm gate price dito sa Luzon nasa 180 ang liveweight, ang chicken medyo bumaba pa, nasa P105 ang presyo dito sa Luzon from P120 kaya wala tayong inaasahang mag-spike ang presyo," ayon kay So.
Maaring tingnan ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at sa iba't ibang rehiyon sa Bantay Presyo Facebook pages ng Department of Agriculture.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.