Friends and family attend the burial of WIlma Tezcan on February 18, 2023 at Heaven's Garden Memorial Park in Tayabas City, Quezon. Tezcan died in the earthquake that hit Turkey on February 6 which left thousands dead and injured. Maria Tan, ABS-CBN News
MAYNILA - Nailibing na ang Filipina na nasawi dahil sa malakas na lindol sa Turkey.
Sa Tayabas City, Quezon Province inilibing si Wilma Abulan Tezcan, ang isa sa dalawang Pinay na namatay sa lindol sa Turkey, matapos matabunan ng guho sa Hatay Province.
Ang ama niyang si William Abulan, minsan nang pinayuhan si Wilma na umuwi na sa Pilipinas.
"Kaya nga sabi ko tutal, nakapag-aral na ang kaniyang mga kapatid, puwede na siyang huwag magtrabaho para makapagpahinga man lang," ani Abulan.
Labis din ang pagdadalamhati ni Anne Florendo sa pagkawala ng kaniyang pinsan. Huli na pala ang kanilang pagkikita noong Disyembre dahil sa family reunion.
"Kahit na magkakalayo [kami] naiparamdam niya sa akin na may ate ako talaga," aniya.
Pinagbigyan naman ng pamilya Abulad ang hiling ng asawa ni Wilma na magsagawa ng isang Muslim burial.
Posibleng bumalik ng Turkey ang asawa ni Wilma.
-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.