PatrolPH

Landslide tumama sa Bayugan, Agusan Del Sur

Bayan Mo, Ipatrol Mo

Posted at Feb 18 2023 05:36 PM

Binaha ang Brgy. Comagascas nang hanggang tuhod dahil sa ulan dulot ng LPA sa Mindanao. Courtesy: Dan Reeve
Binaha ang Brgy. Comagascas nang hanggang tuhod dahil sa ulan dulot ng LPA sa Mindanao. Courtesy: Dan Reeve

Muntik nang matabunan ang anim na bahay matapos magkaroon ng landslide nitong Sabado, February 18 sa Purok 10-Masabong, Bayugan 3, Rosario, Agusan del Sur. 

Ito ang ibinahagi ni Michael Rhay Hambala, punong barangay ng Bayugan 3. 

Kita sa mga larawang ibinahagi ng Bayugan 3 Search and Rescue ang pinsalang dala ng landslide sa Barangay Bayugan 3. 

Kwento ni Hambala, walang tigil ang ulan sa kanilang lugar simula noong Martes, Feb 14. Aniya, pinakamalakas ang ulan kahapon, Feb. 17 na naging sanhi ng landslide. 

Ayon kay Hambala, nasa Masambong Elementary School pansamantalang nakatuloy ang mga nakatira sa anim na bahay na muntik matabunan ng landslide. 

Hindi aniya passable ang daan mula Purok Masambong papuntang Purok Cosep. Hinihintay na lang nila ang backhoe na gagamitin sa pag-aayos ng gumuhong lupa, ayon pa sa punong barangay. 

Ayon sa PAGASA, maulap at may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat dala ng low pressure area sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Visayas, Bicol Region, Romblon, Marinduque, at Quezon. 

Pinag-iingat ang lahat dahil maaaring magkaroon ng flash floods o landslide na dala ng malakas na ulan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.