PatrolPH

Bahagi ng bayan ng Monkayo, Davao de Oro, apektado ng baha at landslide dulot ng LPA

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2023 02:09 PM

Nagdulot ng baha at landslide ang magdamag na ulan sa ilang bahagi ng Monkayo sa Davao de Oro nitong Sabado. Monkayo LGU
Nagdulot ng baha at landslide ang magdamag na ulan sa ilang bahagi ng Monkayo sa Davao de Oro nitong Sabado. Monkayo LGU

Nagdulot ng baha at landslide ang magdamag na ulan sa ilang bahagi ng Monkayo sa Davao de Oro nitong Sabado.

Gumuho ang lupa sa Sitio Depot sa Barangay Upper Ulip sa bayan ng Monkayo dahil sa ulan.

Tanging mga motorsiklo pa lang ang makakadaan sa kalsada na nabalot sa putik, pero patuloy ang clearing operations sa lugar.

Nagkaroon din ng landslide sa Purok 22 sa Barangay Mt. Diwata ng naturang lugar.

Nagsagawa na rin ng clearing operations ng municipal engineer's office at ng mga sundalo ng 25th Infantry Batallion.

Hindi rin madaanan ang tulay patungo sa bayan dahil sa malakas na ragasa ng tubig sa Naboc River, na nagsanhi ng pagkatanggal sa lupa sa gilid ng tulay.

Patuloy na nagmo-monitor ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga ilog dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel nito na maaaring makaapekto sa mabababang bahagi ng bayan.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng lugar, ilang pamilya rin ang sinagip dahil sa pagbaha.

Nagdeklara na rin ng suspensiyon sa klase ang lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Ayon sa LGU, idineklara ang orange rainfall warning sa Monkayo kagabi dahil sa ulan na dulot ng binabantayang low pressure area. --Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.