PatrolPH

Nasa 100 senior citizens lumahok sa COVID-19 vaccine simulation sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 06:49 PM

Nasa 100 senior citizens lumahok sa COVID-19 vaccine simulation sa Maynila 1
Nasa 100 senior citizens ang lumahok sa COVID-19 vaccine simulation activity sa Legarda Elementary School. Ito ay para maging pamilyar na sa mga proseso ang mga senior citizen oras na dumating ang mga bakuna sa bansa

MAYNILA — Tinatayang 100 senior citizens ang lumahok sa ginawang coronavirus disease (COVID-19) vaccine simulation activity sa Legarda Elementary school umaga ng Huwebes. 

Ayon sa Manila Health Department, ito ay para maging pamilyar na sa proseso ang mga senior citizen, oras na dumating na ang bakuna sa bansa.

Kasama kasi ang mga matatanda sa mga prayoridad na mabakunahan sa Maynila kasunod ng mga frontliners. 

Pero sa higit 157,000 na naitalang senior citizens sa lungsod, marami pa rin ang hindi desididong magpabakuna.

Kabilang sa mga sumalang sa mock vaccination ang magkapatid na sina Benjamin Nuguid, 72 anyos, at Benedicta Galimba, 65 anyos.

Pinag-iisipan pa ni Nuguid kung magpapabakuna lalo’t may problema siya sa puso. 

"Medyo mag-iisip pa muna. Pag-iisipan pa," ani Nuguid. 

Habang si Galimba, nagpasya nang hindi magpabakuna dahil sa pangamba ng side effect at malakas naman daw ang kanyang katawan.

"Ayaw ko. Hindi sa natatakot o ano, kaya lang mahirap na eh. Hindi mo masasabi kung ano ang magiging side effects di ba? Mahirap na rin, ayoko na talaga," ani Galimba. 

Ayon kay Vice Mayor Honey Lacuna, bagamat voluntary ang pagpapabakuna, patuloy ang kanilang pagbibigay ng impormasyon at panghihikayat sa mga mamamayan na magpaturok kontra COVID-19.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.