PatrolPH

Empleyado ng Caloocan City Hall arestado sa 'pangingikil'

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 09:02 PM | Updated as of Feb 21 2021 05:59 PM

Empleyado ng Caloocan City Hall arestado sa 'pangingikil' 1
Unang hiningi ng suspek ay P500,000 para mailabas ang permit. Pero tinawaran ito ng biktima. Screengrab, ABS-CBN News footage

MAYNILA – Isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob mismo ng city hall dahil umano sa pangingikil sa isang negosyante na nagpapa-renew ng business permit.

Sa entrapment, nagkunwaring mga business partner ang mga agent ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division.

Maya-maya, inaresto nila ang empleyadong si Vincent Noveno sa loob ng Business Permits and Licensing Office, kung saan umano niya tinanggap ang tseke na P350,000.

"Hindi ko nga alam bakit inabot niya sa akin ang tseke," sabi ni Noveno nang inaresto siya.

Ayon sa negosyanteng biktima, Pebrero 6 pa lang, tapos na ang assessment ng kanyang renewal at nakapagbayad na para sa permit pero hindi pa rin ito nire-release ng city hall. 

Watch more on iWantTFC

Unang hiningi ng suspek ay P500,000 para mailabas ang permit. Pero tinawaran ito ng biktima.

"Sabi niya sa akin bakit hindi ako tumutupad sa usapan. Sabi ko, bakit kasi ang laki. Hindi ko kaya at kung puwede ko ba makausap ang boss niya. Ang sabi niya siya na raw ang boss doon," sabi ng biktima.

Ikatlong beses na raw niyang naranasan na makikilan ni Noveno sa pagre-renew ng permit. 

"Nu'ng una humingi ng P700,000, sumunod na taon P500,000, tapos ngayon P500,000 na naman. Sabi ko hindi na puwede. Bagsak na nga negosyo ko dahil sa pandemya tapos ganito pa gagawin sa akin. Dapat nga binubuhay nila ang mga negosyo pero ito pinapatay nila," giit ng biktima. 

Kinasuhan si Noveno ng robbery extortion. Tinitingnan din ng NBI kung may pumoprotekta o nakikinabang sa aktibidad ng suspek.

Hinihikayat naman ng NBI na mag-report ang iba pang mga negosyanteng posibleng nabiktima din ng naturang suspek.

–Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.