PatrolPH

De Lima lusot sa 1 sa 3 drug cases na hinaharap

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 09:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Pinawalang-sala ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 Judge Leizel Aquiatan si Sen. Leila de Lima sa 1 sa 3 kaso niyang may kinalaman sa droga, batay sa desisyong inilabas noong Miyerkoles.

Ang kaso ay may kinalaman sa nagpakilalang police asset na si Jad Dera, na inaakusahang nagpatakbo umano ng illegal drug trade sa Bilibid, kasabwat ang noo'y Justice Secretary na si De Lima.

Tumanggap umano ng pera si Dera para kay De Lima mula sa convicted drug lord na si Peter Co. Pero giit ng kampo ni De Lima, kidnap-for-ransom ang nangyari at walang kinalaman dito ang senadora. 

Wala ring nakitang koneksiyon ang korte sa pagitan nina Dera at De Lima. Si Dera lang umano ang posibleng managot sa kanyang partisipasyon, bagama’t pinayagan ng korte na makapagpiyansa siya sa halagang P500,000.

Pero sa ikalawang kaso kung saan sangkot ang dating bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan, hindi pinagbigyan ni Aquiatan ang demurrer ni De Lima.

Ang demurrer ay maihahalintulad sa isang mosyon para ibasura ang isang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya.

Ito ay dahil may testimonya umano mula sa dating OIC ng Bureau of Corrections na si Rafael Ragos at aide niya na si NBI intelligence agent Jovencio Ablen na sila umano mismo ang naghatid ng P10 milyon sa bahay ni De Lima.

Binigay umano nila kay Dayan ang pera pero nakita rin umano nilang tinanggap ito ni De Lima nang hindi nagpoprotesta.

Para sa korte, may implied conspiracy o sabwatan umano dahil hinayaan ni De Lima ang mga preso sa kanilang illegal drug trading kapalit ng pera para sa kampanya umano sa pagka-senador.

Ayon sa korte, hindi raw pinaimbestigahan ni De Lima kung saan nanggaling ang pera. Ibig sabihin, alam daw ni De Lima na may kalakalan ng ilegal na droga.

Pinaniwalaan ng korte ang mga pahayag ng inmates na meron umanong illegal drug trading kahit pa ayon kay De Lima ay puro hearsay o tsismis lang ang mga ito.

Pinagpapaliwanag ng korte si De Lima tungkol sa P10 milyon at iba pang mga isyu.

Mariing itinanggi ni De Lima, sa pamamagitan ng pahayag na ipinadala sa kanyang abugado, ang paratang.

"A very quick perusal of some portions of the omnibus order in Case 165 shows that the court took at face value Ragos and Ablen’s claim of delivery of P10 million, which is a total lie," ayon sa senadora.

Dati nang iginiit ng kampo ni De Lima na hindi kapani-paniwalang testigo si Ragos dahil nagpapalit-palit umano siya ng testimonya hanggang sa tuluyang hindi na isama sa kaso.

Punto pa nila, walang kahit anumang drogang naipakita ang prosekusyon at hindi man lang masabi kung anong klaseng droga ang iniuugnay sa senador.

Pero ayon sa korte, hindi naman kailangang may droga dahil kapag ang kaso ay conspiracy to commit illegal drug trading, ang mismong pakikipagkuntsabahan ang ebidensiya na may krimen na nangyari.

Iaapela ng kampo ni De Lima ang naging pasya ng korte.

Sa kabila nito, itinuturing pa rin ni De Lima na tagumpay ang pagpapawalang-sala sa kanya sa unang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.