Taal Volcano Island noong Enero 12, 2021. Basilio H. Sepe, ABS-CBN News
Tumaas pa ang bilang ng mga naitatalang pagyanig sa Taal Volcano Island, sabi ngayong Huwebes ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nakapagtala ang Phivolcs ng 91 tremors o pagyanig sa paligid ng Taal Volcano nitong nakalipas na magdamag, mas mataas sa 69 na naitala noong nakaraang taon.
Tumatagal nang 1 hanggang 5 minuto ang mga pagyanig.
Dahil dito, muling iginiit ng Phivolcs na permanent danger zone o delikado ang isla at bawal ang mga tao roon.
Tuloy-tuloy rin ang paglabas ng usok mula sa main crater ng Bulkang Taal.
Mahina lamang ang usok, na lumalabas na may taas na 5 metro, ani Phivolcs.
Kumukulo rin ang tubig sa crater lake at amoy asupre ang paligid.
"Sinasabi lang naming may chance na posibleng magkaroon ng steam-driven o phreatic explosion pero wala kami binabanggit na days o weeks or months," sabi ni Paolo Revina, resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory.
Dahil dito, puspusan ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar sa paligid ng bulkan.
Inalerto na ng local government unit ng bayan ng Taal ang mga residente at inihahanda na ang mga rescue vehicle na gagamitin kung kakailanganing lumikas.
May mga nakahanda ring relief goods, hygiene kits, at tents.
"May [memorandum of agreement] kami sa mga different groceries para kung ano mang mangyari naka-ready na, pati mga trucks na gagamitin naka-ready na rin lahat with private contractors," ani Taal Mayor Fulgencio Mercado.
Nasa loob ng 15-kilometer danger zone ang Taal at nang pumutok ang bulkan noong nakaraang taon, nabalot ng matinding abo ang bayan.
Kaya inilikas ang mga residente at bumagsak ang turismo ng bayan, na pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga residente.
Ngayong may banta na naman ng pagsabog, kinakabahan ang mga tindera ng pasalubong na danggit na sina Maricel Fuentes at Christine Malinay.
Hindi pa raw sila nakakabawi sa pagputok ng bulkan at pandemya.
"'Pag pumutok, wala na naman, sira na naman ang aming hanapbuhay. Mahihirapan na naman kami mag-umpisa, kakaumpisa pa lang namin," ani Fuentes.
"Ngayon pa lamang kami nakakaahon," ani Malinay.
Nakikiusap ang mga awtoridad sa publiko na huwag nang magpakalat sa social media ng mga lumang larawan ng Bulkang Taal na umuusok o nagbubuga ng abo dahil nagdudulot ito ng takot.
Noong Martes, inilikas ng mga awtoridad ang mga nakatira sa Volcano Island matapos magbabala ang Phivolcs ng posibleng phreatic explosion kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga naitatalang pagyanig sa isla.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Phivolcs, Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Taal Volcano, Bulkang Taal, Taal Volcano Island, tremor, phreatic explosion, Taal, Batangas, rehiyon, regions, regional news, bulkan, bulkang Taal, TV Patrol, Dennis Datu