PatrolPH

3 lalaking umano'y tumalon sa ilog matapos ang raid sa sabong, natagpuang patay sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 02:53 AM

DAVAO CITY -- Natagpuan sa iba't ibang bahagi ng Davao river ang bangkay ng tatlong lalaki na umano'y kabilang sa mga dumalo sa sabong na sinalakay ng mga pulis noong araw ng Linggo sa Purok 6, San Miguel, Barangay Gumalang, Baguio district sa Davao City.

Unang nakita noong Lunes ng hapon sa Davao river sa may Barangay Dacudao, Calinan district ang bangkay ni John Hanzel Pagapang.

Sunod na nakita ang bangkay ni Dennis Manipis sa Davao river sa Barangay New Carmen, Tugbok district noong Martes ng umaga.

Huling nakita ang bangkay ni Mark Joel Agusan sa Davao river sa Barangay Mandug, Martes din ng umaga.

Arestado naman ang 13 indibidwal sa pagsalakay ng mga pulis dahil sa sabong.

Ayon kay Police Major Archilles Bargio, hepe ng Baguio Police Station, aabot sa 50 katao ang dumalo sa sabong, at pagdating ng mga pulis, nagtakbuhan ang mga tao at ang ilan ay tumalon sa Davao river.

Itinanggi naman ni Bargio na nagpaputok ang mga pulis pagdating sa area.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang mga narekober na bangkay.

- ulat ni Hernel Tocmo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.