2 kapitan ng barangay, ipinagpapaliwanag sa naganap na pa-liga sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 11:36 AM | Updated as of Feb 18 2021 11:42 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinagpapaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City ang dalawang kapitan ng barangay sa naganap na paliga ng basketball sa mga kabataan noong Peb. 14.

Sa mga litrato at video na ipinadala ng isang concerned citizen sa programang Kabayan sa TeleRadyo, ipinakita doon ang kumpulan ng mga bata, ang iba walang suot na face mask, habang nanonood ng larong basketball sa San Antonio Street corner Champaca sa Barangay 174 at 175 sa Camarin sa Caloocan.

“Nakipag-ugnayan na ako sa dalawang barangay captain sumasakop roon at hinihingan ko ng paliwanag. Parang nangyari yan noong piyesta sa Birhen ng Lourdes,” ayo kay Mayor Oscar Malapitan.

Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Malapitan na sinabihan rin niya ang dalawang kapitan ng barangay na tiyaking nasusunod sa lugar ang mga ipinatutupad na health protocols.

“Meron isang organisasyon doon, ‘di ko po naibe-verify kung tama ang report sa akin, na siya ang namuno na magpalaro,” sabi ni Malapitan.

Samantala, binanggit naman ng alkalde na mayroon na silang molecular lab kaya isang araw lang ay maaari nang makuha ang resulta ng swab test na ibinibigay namang libre sa mga residente.

“Ang nagiging problema inspite na libre na nga ang pa swab kokonti pa rin ang nagpapaswab. Siguro, habang walang nararamdaman ayaw magpa-swab,” sabi niya.

Handa na rin aniya ang lungsod para sa pagkasa ng vaccination program nito.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC