Sunog sa bundok sa Benguet, under control na

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 02:50 AM

Idineklarang under control na ang sunog sa isang bundok sa Barangay Anchokey, Kabayan, Benguet, ayon kay Municipal Fire Marshal Hilario Caniedo.

Matapos ang isang linggong pag-aapula ng sunog, naglagay na sila ng fire line sa bundok sa pamamagitan ng pagtabas ng mga damo para hindi na kumalat ang apoy. Nahirapan silang abutin ang sunog dahil sa tarik ng daan.

Sa ngayon, maliliit na bahagi na lang ang may apoy ngunit balot pa rin ng usok ang bundok. 

Isang bahay na hindi pa tinitirhan at ilang agricultural land na walang tanim ang nasunog. 

Wala namang naulat na nasawi o nasugatan sa insidente.

Hindi pa matukoy sa ngayon kung ano ang pinagmulan ng sunog.-Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.