Lalaking nagnakaw umano ng siling labuyo, inaresto

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 05:16 AM

Kalaboso ang isang 18 anyos na lalaki matapos mahuling nagnanakaw umano ng kilo-kilong siling labuyo sa Cloverleaf Market, Quezon City.

Batay sa paunang ulat ni Police Cpl. Kathrine Joy Ong ng La Loma Police, abala ang biktimang si Sonia Valderama sa pagbabantay sa kanyang puwesto sa palengke nang dumating ang kargador na si Jaymond Montilla para i-deliver ang mga panindang siling labuyo.

Doon ninakaw ng suspek ang kaka-deliver lang na mga plastik ng siling labuyo na may bigat na 10 kilo na nagkakahalaga ng P2,000.

Pero hindi pa nakakalayo ang suspek, nahabol na siya ng kargador na unang nakapansin sa ginawang pagnanakaw at agad na dinala sa istasyon.

Ayon sa suspek, plano niyang ibenta ang nanakaw para may pera siya panggastos.

Hawak ng La Loma Police ang suspek habang narekober din sa kanya ang mga nakaw na sili.-Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.