Espenido, dismayado sa pagkakadawit sa 'narco-list'

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 12:32 AM | Updated as of Feb 18 2020 04:43 AM

MAYNILA (UPDATED) - Dismayado sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) si Police Lt. Colonel Jovie Espenido matapos siyang maidawit sa tinaguriang "narco-list."

Ayon kay Espenido, hindi nabusisi nang maigi ang kaniyang pangalan nang mailagay sa listahan, at ito'y matapos ang kaniyang tinaguriang mga accomplishment sa war on drugs ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, mabuti na rin na lumabas na kasama siya sa narco-list upang malinis na ang kaniyang pangalan.

Naniniwala si Espenido na may pulitika “failure of intelligence” sa bahagi ng PNP. "Sabi ko nga, yung failure of intelligence, yung nagkuha lang siya ng information na hindi vinalidate. ‘Yun ang failure ng intelligence. ‘Yung pangalawa, ‘yung politicians na kaibigan ng general, bigyan kaagad ng information, hindi na vinalidate. Direct na yun, ilagay doon. Kasi may nagsabi rin sakin sabi ng mayor, sabi ni congressman, sabi ni governor, sabi ni senator na isali siya, isali kaagad. So, dalawa lang yun ang basehan," aniya. 

Hindi rin aniya siya nagtatampo sa PNP bilang isang organisasyon, kundi sa mga nagpapatakbo nito.

Ikinagulat ng opisyal na siya ay nasa listahan at nakahanay pa sa mga "high-value target" na kasama ang mga bigatin umanong mga drug lord sa bansa.

Dagdag pa ni Espenido, siya ay ipinatawag ni PNP chief Archie Gamboa nitong Pebrero 6 nang hindi binibigay ang dahilan. Napagtanto na lamang niya na ito ay ukol sa umano’y narco-list na siya ay minumungkahi nang kumuha ng early retirement. 

Gayunpaman, naintindihan umano niya kung bakit ito nagawa ng pamunuan ng PNP, at kumpiyansa siyang malilinis ang kaniyang pangalan.

Sabi rin ng opisyal, hinahangaan niya ang katapangan ni Department of the Interior and Local Government Eduardo Año na isama siya sa umano’y narco-list. Dagdag pa niya, kahit na kinikilala ng mga opisyal ang prinsipyong “innocent until proven guilty” namantsahan na ang kanyang pangalan. 

Nauna nang tumatak ang pangalan ni Espenido matapos mapaslang sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at si Ozamis Mayor Reynaldo Parojinog sa mga operasyong pinamunuan ng opisyal.

Sinabi rin ng Malacañang na buo pa rin ang tiwala ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Espenido pero aantayin nila ang resulta ng imbestigasyon ng PNP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.