5 kalaboso sa pagsusugal sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 05:14 AM

Limang tao ang arestado sa magkahiwalay na anti-gambling operation sa Maynila bilang direktiba ng Philippine National Police (PNP) na palakasin pa ang laban kontra ilegal na sugal sa buong bansa.

Unang nahuli ng Sta. Cruz Police ang isang babae at isang lalaki na naglalaro umano ng illegal numbers game sa Oroquieta Street. May nakumpiska ring calculator at mga perang taya mula sa mga suspek. 

Inaresto rin ng Ermita police ang 3 lalaki, kabilang na ang isang tricycle driver at isang parking boy, sa UN Avenue corner Ciruca St. Nakita umano ng mga nagpapatrolyang pulis ang mga suspek na naglalaro ng cara y cruz sa gilid ng kalsada. 

Mas pinaigting ng PNP ang laban kontra ilegal na sugal matapos matanggal sa pwesto ang ilang hepe sa Metro Manila dahil sa talamak na sugalan sa kanilang sinasakupan. Ipinagbabawal na rin ang sugalan kahit sa mga lamayan.-Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.