2 patay sa sagupaan sa Misamis Oriental

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 01:03 PM

Pinaghahanap pa ng awtoridad ang 3 iba pang suspek na tumakas matapos makabarilan ang mga pulis sa Misamis Oriental

Dalawa ang patay, kabilang na ang isang pulis, matapos makipagbarilan ang grupo ng limang suspek na sakay ng kotse sa national highway sa bayan ng Libertad, Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, unang naharang sa checkpoint ang grupo pero nang lapitan ni Staff Sergeant Ronald Caapuyan ay bigla nila itong pinagbabaril.

Nakaganti naman ang mga pulis at napatay ang driver ng kotse na kinilalang si Jephone Tinamisan.

Sugatan naman sa hita ang isa pang pulis na si Chief Master Sergeant Fernando Maestrado habang tinamaan ng ligaw na bala ang residenteng si Gema Patlonag.

Mabilis na tumakas ang apat na sakay ng kotse pero nahuli ang isa sa kanila, na nakilalang si Richardson Perez, Martes ng madaling araw.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang pitong mga baril at apat na mga granada.

Kilala na umano ng pulisya ang grupo pero hindi muna isisiwalat hangga’t hindi pa nahuhuli ang tatlong nakatakas na mga suspek.

Kasalukuyang naka-kustodiya ngayon sa Libertad Municipal Police Station si Perez, habang nasa isang morgue sa bayan ng Initao ang napatay na kasama nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.