Nangangamoy na drainage, inireklamo ng mga residente sa La Trinidad

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 09:45 PM

LA TRINIDAD, Benguet - Sa mga posters na inilahad ng mga residente ng Barangay Balili sa KM 4 ang kanilang mga hinaing patungkol sa nangangamoy na drainage sa kanilang lugar na dinadaluyan umano ng septic waste.

Tatlong taon na umano nilang tinitiis ang masamang amoy sa lugar.

“Yung amoy nung septic tank na’to everyday around 9-11 o'clock lagi na lang grabe ang amoy dito yung mga tao hindi pa nga makadaan dito,” ani Brenda Chilam, nagrereklamong residente.

Ang ilang nagtitinda malapit sa drainage, napabili pa raw ng electric fan para lang maitaboy ang masamang amoy.

Ang masaklap, dumidiresto pa umano ang hinihinalang septic waste sa Balili River.

Noong nakaraang taon, nagsumite na sila ng petisyon sa barangay para maresolba ito pero nananatili pa rind aw nila itong problema.

“Upon receiving nung mga complaint letter ay nagsulat na tayo sa municipal sanitary inspector, municipal engineering, addressed to the municipal mayor pero hindi natin mahanap kung saan,” ani Punong Barangay Billy Bilango ng Barangay Balili.

Ipapa-inspeksyon na umano ng lokal na pamahalaan sa Municipal Environment and Natural Resouces (MENRO) ang lugar.

Magsasagawa na rin umano ng inspeksyon ang Environmental Management Bureau.

Mula bukas, magkakaroon din sila ng malawakang inspeksyon sa Baguio at Benguet para matukoy kung ang mga establisyimentong dumidiretso ang mga septic waste sa mga ilog.

Nasa P200,000 ang multa kada araw ng paglabag sa ipapataw alinsunod sa Republic Act 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.