Bus driver nanghablot ng cellphone para matubos ang lisensiya

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 09:22 AM | Updated as of Feb 18 2019 09:46 AM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Inaresto ang isang bus driver matapos niyang hablutin ang cellphone ng babaeng pasahero ng jeep sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Kasakay ng suspek na si Pedro Belarde ang biktima sa jeep sa Commonwealth Avenue nang bigla niyang hablutin ang smartphone nito at bumaba. 

Nagsisigaw at hinabol ng biktima ang suspek, dahilan para sundan din ito ng ilang nakakita. 

Itinago naman ni Belarde ang cellphone sa nadaanang concrete barrier ng ginagawang MRT-7. 

Pero saktong napadaan ang ilang pauwi nang pulis kaya nahuli siya. 

"Kahit off duty kami, 'pag kailangan ng tulong, handa kami," ani PO1 Jayson Pitines ng Northern Police District. 

Inamin naman ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil sinabihan siya ng kaniyang kumpanya na siya muna ang gumawa ng paraan upang matubos ang lisensyang nakumpiska dahil sa paglabag sa coding. 

Narekober na ang cellphone at nakulong naman ang suspek. 

Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.