Buntis, 5 iba pa, huli sa buy-bust sa Iligan City

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 05:27 PM

ILIGAN CITY — Naaresto sa lungsod na ito ang isang buntis, ang kaniyang ama at apat na iba pang lalaki sa isang buy-bust operation, ayon sa pulisya.

Target ng operasyon na ikinasa noong Sabado sa Barangay Del Carmen ang babaeng suspek — na limang buwang buntis — pero nadatnan din ang kaniyang ama sa bahay kung saan isinagawa ang buy-bust, ayon kay Senior Inspector Neil Mark Quipanes.

Dati na raw sumuko ang ama, na kabilang sa drugs watch-list ng pulisya.

Itinanggi ng babae na nagtutulak siya ng droga habang umamin naman daw ang kaniyang ama na bumalik ito sa pagtutulak.

Nakuha sa mag-ama ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at ang marked money.

Nahuli rin ang apat na lalaki na nagsusugal sa loob ng bahay matapos magpositibo sa drug test.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kakasuhan din iyong apat na lalaki ng illegal gambling. -- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.