ABC president nakaligtas sa pamamaril sa Albuera, Leyte

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 04:23 PM | Updated as of Feb 19 2019 02:20 AM

LEYTE - Nakaligtas sa pananambang ng 2 armadong lalaki ang ABC president ng Albuera, Leyte Lunes ng umaga.

Nagmamaneho ng kaniyang sasakyan si Benolho Barangay Chairman Alberto Sumaljag nang biglang pagbabarilin sa Barangay Cambalding.

Kuwento ng biktima, napayuko na lang siya at patuloy na nagpatakbo ng kaniyang kotse hanggang sa makarating sa police station.

Galing siya sa kanilang bahay at papunta ng Albuera Municipal Hall noong panahong iyon.

Ayon kay Senior Insp. Salvador Apacible, hepe ng Albuera police, hindi na sinundan ng mga salarin si Sumaljag nang makarating sa estasyon.

Posible umanong may kinalaman sa politika o trabaho ang insidente.

Si Sumaljag ang barangay chairman ng Benolho kung saan nakatira ang mag-amang Espinosa.

"Sa mga taong bumanat sa'kin, huwag na ninyo ituloy, tapos na 'yun, ayaw ko ng gulo at hindi naman ako nanggugulo sa inyo," aniya.

Dahil sa nangyari, nababahala ang biktima para sa seguridad ng kaniyang pamilya.

Pansamantala munang manunuluyan sa isang safe house si Sumaljag, pero giit niya na ipagpapatuloy ang kaniyang trabaho. - ulat ni Geron Ponferrada at Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.