Suspek sa serye ng pandurukot sa Makati, kinuyog

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 04:37 PM | Updated as of Aug 28 2019 04:29 PM

Suspek umano sa serye ng mga pandurukot sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City ang 18 anyos na si Mark Daniel Oriel. Retrato mula kay Jayr Delabajan

Isang lalaking itinuturong responsable sa serye ng mga pandurukot sa Makati City ang kinuyog ng taumbayan matapos mahuling nambibiktima muli.

Kinilala ang suspek bilang si Mark Daniel Oriel, alyas "Makmak," na isa umanong kilabot na mandurukot sa Barangay Guadalupe Nuevo sa Makati.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero nang maaktuhan si Oriel na nagnanakaw ng cellphone noong Pebrero 14 ay agad itong hinarang at binugbog ng nasa 20 katao.

Ang 18 anyos na si Oriel ang madalas umanong responsable sa mga pandurukot na naiuulat sa barangay.

Nabatid naman ng Makati police na dayo lang sa lungsod ang suspek at nakatira pala sa Pasay City.

Paliwanag ni Oriel, hindi naman umano niya inaaraw-araw ang pandurukot.

Sinampahan ng kasong theft si Oriel, na ngayon ay nakakulong sa Makati Central Police Station.

Nangako naman ang mga tauhan ng Barangay Guadalupe Nuevo na huhulihin din ang ibang mandurukot na dumarayo umano sa kanilang lugar. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.