Quiboloy, di nadetene at nakuhanan ng mga parte ng baril: abogado

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 07:15 PM | Updated as of Aug 29 2019 01:02 PM

Watch more in iWantTFC

Itinanggi ng kampo ng tagapagtatag ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy ang mga ulat na nadetene at nakuhanan ng mga parte ng baril ang pastor sa Hawaii.

"He was not charged, he was not detained, he was not deported," anang abogado ni Quiboloy na si Israelito Torreon.

Nitong Linggo, humarap at nagsalita si Quiboloy sa libo-libong miyembro ng kaniyang religious group sa Ynares Stadium, Antipolo City.

Patunay rin aniya ang paglitaw ng pastor na hindi siya nakulong sa Hawaii.

Kasunod ito ng naunang ulat ng Honolulu news agency at Hawaii News Now na nakitaan ng $350,000, o katumbas ng P18.2 milyon, at mga parte ng armas sina Quiboloy at limang iba pang nasakay sa isang pribadong eroplanong pabalik sana ng Pilipinas.

Sa ilalim kasi ng batas ng Amerika, kinakailangang ideklara ang pagdadala ng higit $10,000 palabas ng bansa.

Inako naman ng isang kasamahan at tagasunod ni Quiboloy na si Felina Salinas na sa kaniya ang suitcase na may pera.

Kinasuhan ang U.S. citizen na si Salinas ng attempted bulk cash smuggling pero agad ding nakapagpiyansa.

Wala rin umanong parte ng baril na nasamsam kina Quiboloy.

"If you will study the court records, the name of Pastor Apollo Quiboloy does not appear there. There were no gun parts that were stated there," sabi ni Torreon.

Paliwanag ni Torreon, commercial flight ang ginamit ni Quiboloy pabalik sa bansa noong Huwebes ng gabi.

Nagkaroon umano kasi ng problema ang pribadong eroplano ng pastor.

Iginiit ng abogado ni Quiboloy na wala silang alam sa perang dala ni Salinas at kung saan ito gagamitin.

Pero hindi naman nila itinangging miyembro ng Kingdom of Jesus Christ si Salinas.

Nilinaw rin ng Malacañang na hindi ito makikialam sa mga nangyayari kay Quiboloy, isang malapit na kaibigan at tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-- Ulat nina Jeck Batallones at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.