Mga nanloloob ng mga bahay ng mga Indian, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 05:04 PM | Updated as of Sep 03 2019 01:23 PM

Nahuli sa Angono, Rizal ang dalawang lalaking responsable sa panloloob sa mga bahay ng mga Indian national na nagpapautang.

Arestado nitong Sabado sa Angono, Rizal ang dalawang lalaking modus umano ang manloob sa mga bahay ng mga Indian national.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahuli ng Angono police sina Mark Abanio at JB Tuscano matapos looban ang bahay ng isang Indian national.

Nagkaroon pa ng engkuwentro sa pagitan ng pulisya at ng mga suspek.

Tinangka pa ng mga suspek na i-hostage ang isa sa mga Indian pero nang mapagtantong isa na lang ang bala nila ay sumuko rin sa mga rumespondeng pulis.

Nakuha sa mga suspek ang baril, granada, cellphone, at pera ng biktima.

Napag-alamang modus talaga nila ang pumasok sa mga bahay ng mga Indian.

Higit 20 Indian ang napasugod sa tanggapan ng Angono police para maghain ng reklamo laban sa dalawa.

Naiulat pa sa "TV Patrol" noong Nobyembre ang kanilang panloloob sa bahay ng isang Indian sa Antipolo City. 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery, illegal possession of firearms and ammunition, at illegal detention.

Inaalam din ng pulisya kung bahagi ang mga suspek ng mas malaking sindikato na target ang mga Indian na may negosyo sa bansa.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.