Barangay captain sa Taal, patay sa pamamaril

Arnell Ozaeta, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 05:56 PM

BATANGAS -- Patay sa pamamaril ang isang barangay captain matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa bayan ng Taal, Batangas Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ireneo Almazan, kapitan ng Barangay Carasuche sa Taal.

Ayon sa report, nakatayo lang si Almazan malapit sa barangay hall nang dumating ang dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril ito bandang alas-9:20 ng gabi.

Nagtamo ng maraming tama sa katawan ang biktima at agad na naisugod sa Taal Polymedic Hospital pero idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Inaalam pa ng pulisya ang mga responsable at ang motibo ng pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.