Angkas ng motor na ginawang basket ng ulam ang helmet, kakasuhan ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 11:19 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Idiniin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ngayong Linggo na kakasuhan nito ang motoristang nakipagtalo sa traffic enforcer matapos sitahin dahil sa paggamit ng helmet bilang lalagyan ng ulam.

Nag-viral kamakailan ang video ng babaeng motorista na sinita sa Visayas Avenue, Quezon City habang naka-angkas sa motoriklo. Makikita na pinagmumura niya at sinubukan pang hampasin ng helmet angMMDA enforcer at ang kumukuha ng video.

"Nagbigay na po iyan ng apology, pero iyan po ay hinahandaan namin ng kaso," sabi sa DZMM ni MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia.

"Talagang tutuluyan po namin iyan ng kaso para malaman po ng mga kababayan natin na seryoso po kami sa mga ganyang kampanya," dagdag niya.

Ngayong Lunes o Martes aniya isasampa ng ahensya ang reklamo.

Hinikayat naman ni Garcia ang publiko na huwag nang makipagtalo sakaling sawayin ng mga enforcer at bagkus ay umapela na lang sa MMDA head office.

Aniya, "Gusto n'yong makiusap, puwede kayong makiusap, pero huwag po kayong makikipag-away talaga."

Samantala, sinabi rin ng opisyal na magtutuloy-tuloy ang panghuhuli ng Inter-Agency Council for Traffic sa mga hindi na roadworthy na pampasaherong jeepney sa ilalim ng "Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok."

Tiniyak din ni Garcia na makikipagtulungan ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan para makapaghatid ng libreng sakay sa mga commuter habang hindi pa pinapayagan ng ilang operator na pumasada ang kanilang mga lumang jeep para ipaayos ang mga ito.

DZMM, 18 Pebrero 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.