8 UST law students na dawit sa pagkasawi ni 'Atio,' in-expel

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 08:35 PM

Kuha sa mga pasa sa katawan ni Horatio Castillo III na pumanaw kasunod ng hazing ng Aegis Jvris noong Setyembre

MAYNILA -- In-expel ang walong estudyante ng University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law kasunod ng resolusyon ng isang komiteng nag-imbestiga sa pagkakadawit ng mga estudyante sa pagkamatay ni Horacio "Atio" Castillo III.

Sa pahayag ng UST, na inilabas ng The Varsitarian, opisyal na student publication ng unibersidad, sinabi ng pamunuan ng UST na "guilty" ang walong estudyante sa paglabag ng Code of Conduct and Discipline at expulsion ang parusang ipapataw sa kanila.

Namatay ang 22 anyos na si Castillo kasunod ng hazing sa inanibang Aegis Jvris Fraternity noong Setyembre.

Binuo ang komite ni UST Rector Fr. Herminio Dagohoy, O.P. noong Setyembre rin.

Tiniyak ng komite na nagkaroon ng due process at nagsagawa rin ng mga pagdinig ukol sa isyu.

May mga kinatawan din ng legal education board na nagbantay sa proseso.

“The University reiterates its commitment to ferret out the truth, determine liability, and impose the appropriate sanctions," saad ng pahayag ng UST.

(Naninindigan ang UST sa pagtitiyak ng katotohanan at pagpapanagot sa mga responsable sa insidente.)

Sa ngayon ay hindi pa inilalabas ang pangalan ng walong estudyanteng na-kick out sa UST.

Magpapatuloy pa ang imbestigasyon ng komite hanggang sa anila'y mapanagot ang lahat ng responsable.

Nirerepaso na rin ang student handbook ng unibersidad para sa proseso ng akreditasyon sa mga organisasyon sa campus.

Pinatigil din sa ngayon ang lahat ng aktibidad ng mga fraternity at sorority sa unibersidad.

“It recommended a comprehensive review of the Student Handbook and the accreditation process for organizations. It issued an indefinite moratorium on the recruitment and all other activities of all fraternities and sororities in the University,” saad ng pahayag.

Base sa kopya online ng student handbook ng UST, hindi na maaaring tanggapin sa anumang eskuwelahan sa bansa ang estudyanteng na-expel:

The extreme penalty of expulsion, in which the student is excluded from admission to any public or private school in the Philippines, shall be imposed only upon careful and objective determination by the school authorities that this is the proper imposable penalty for the offense or violation committed, taking into consideration:

• The gravity of the offense or violation committed
• Past record of the student
• Manifestation that the student, in violating the Codeof Conduct, acted with intent, malice, and/or bad faith
• The injury caused, or the resultant loss
• Absence of contrition or remorse despite clear proof of wrong-doing
• Other applicable variables 

DEAN DIVINA

Tiniyak naman ni UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina na ipatutupad ng kaniyang pakultad ang resolusyon.

Aniya, hindi pa nakararating sa kanila ang impormasyon ukol sa kung sino-sinong estudyante ang ma-e-expel.

Alumnus ng Aegis Jvris si Divina na ipinatawag at humarap sa mga pagdinig ng Senado ukol sa nangyari kay Castillo.

Nauna nang nanindigan si Divina na mula nang siya'y maging dekano ng pakultad, dumistansiya na siya sa mga aktibidad ng Aegis Jvris.

Gayunman, kabilang si Divina sa mga pinatatanggalan ng titulong abogado sa isang kasong inihain ni Sen. Panfilo Lacson sa Korte Suprema.

Kasabay naman ng paglabas ng ulat na ine-expel ang walong estudyante, ang mga magulang ni Castillo ay dumalaw sa puntod ng namatay na law student.

"He was a good son, he deserved better," maluha-luhang pag-alala ng ama ni Castillo sa anak.

"I am prepared to go even to the ends of the world just to fight for justice," anang ina ni Castillo.

Nito lang Pebrero 12, lumusot na sa Senado ang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa hazing bilang rekisito sa mga nais maging miyembro ng fraternity, sorority, o organisasyon.

-- May ulat nina Angel Movido at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.