38 delegado sa Davao sports meet nabiktima umano ng food poisoning

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 10:00 AM | Updated as of Sep 24 2018 09:34 PM

DAVAO CITY - Isinugod sa ospital ang 38 delegado ng Davao Region Athletic Association (Davraa) Meet 2018 dahil umano sa food poisoning nitong Sabado ng gabi.

Mula sa Mati, Davao Oriental ang mga biktimang kinabibilangan ng 34 na atleta, 3 coach at 1 kitchen staff. Nakaranas sila ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi.

Kabilang sa grupo si Leonel Garcia, isang basketball player. Siya ang huling isinugod sa ospital matapos magdalawang-isip na magpagamot at hindi na tuluyang makasali sa Davraa Meet.

Aniya, "Masakit ang tiyan ko. Baka matagal ako makalabas,iniisip ko laro ko."

(Sakit akong tiyan. Basin dugay makalabas, ang dula ako gihunahuna.)

Hindi pa tiyak kung ano ang pagkaing ikinasakit ng tiyan ng mga biktima, pero karamihan sa kanila ay kumain ng corned beef, ayon kay Dr. Angelo Prado ng Mati City medical team.

Iniimbestigahan na ngayon ng health officials ang pinagmulan ng tubig na ginamit sa pagluto at paghugas sa pagkaing niluto ng mga biktima.

Maaari pa rin naman makapaglaro sa Davraa meet ang mga naapektuhang atleta, ayon sa Davao City health office.

Dagdag ng city government, nakapagpa-abot na sila ng tulong sa mga delegado, minomonitor ang kondisyon ng mga ito at sinisigurong hindi na mauulit ang insidente.

Tiniyak naman ni Atty. Lawrence Bantiding, tagapangasiwa ng DAVRAA 2018 preparations, na mananagot ang responsable sa insidente.

Magsisimula ang 7-araw na Davraa meet ngayong Linggo. Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.