12, sugatan matapos sumalpok ang bus sa puno sa CamSur

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 06:43 PM

Kuha ni Dennis Lorenzana

Sugatan ang 12 katao matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang bus sa isang puno sa Barangay Alteza, Sipocot, Camarines Sur Sabado ng gabi.

Ayon kay SPO2 Ronel Ecalner ng Sipocot police, matulin umano ang takbo ng bus na minamaneho ni Rolando Abanes.

Sumabit ang bus sa kasalubong na trak na may kargang mga plywood at dumiretso sa isang puno ng mahogany.

Unang nailabas sa bus ang drayber at mga pasahero.

Naipit naman ang konduktor na si Alvin Banal. Umabot ng higit 3 oras bago tuluyan itong mailabas ng mga rescuers.

Kuha ni Dennis Lorenzana

Ayon sa pulisya, nangako naman ang kompanya ng bus na sasagutin ang gastos sa pagpapagamot ng 10 sugatang pasahero.

Nakipag-usap na rin ito sa empleyado ng nasaging trak.

Nakalabas na sa ospital ang mga pasahero habang patuloy pa ring ginagamot si Abanes at Banal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.