Pinag-aaralan ng Department of Transportation ang mga posibleng alternatibong transportasyon ng mga pasahero ng Philippine National Railways sakaling itigil ang operasyon nito sa mga susunod na buwan.
Katapusan ng Mayo ititigil ang operasyon ng bahaging Alabang-Calamba ng PNR dahil sisimulan nang baklasin ang mga riles bilang paghahanda sa konstruksiyon ng North-South commuter railway.
Buong linya naman ng PNR titigil ang operasyon sa susunod na anim na buwan.
"Sabi noong nakaraan, huwag i-stop ang operation. Ilipat lang sa gilid para tuloy-tuloy pa rin ang PNR. Pinag-aralan ng consultant, delikado sa tao. Mas mahal, mas magastos," ani DOTR Undersecretary Cesar Chavez.
Nakipag-ugnayan na rin ang DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para planuhin ang pansamantalang papalit na pampublikong transportasyon habang walang tren na biyaheng Calamba habang Tutuban.
Ilan sa pinag-aaralan ang pagbibigay ng special franchise sa ilang bus o pagpasok sa service contracting program.
Pero ayon kay Chavez, posibleng mas mahal ang singil sa bus kumpara sa nakasanayang pamasahe sa PNR.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.