PatrolPH

Jullebee Ranara, nakatakdang ilibing sa Pebrero 5

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2023 07:47 PM | Updated as of Feb 15 2023 09:24 AM

Linggo, Pebrero 5 na ang libing ng pinaslang na overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.

Kinumpirma ito ni Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnell Ignacio.

Si Ranara ang OFW na ginahasa, pinaslang, isinunog, at iniwan umano sa disyerto sa Kuwait. Kinikilala umanong suspek ang 17 anyos na anak ng kaniyang amo. 

Ayon kay Ignacio, alas-10 ng umaga ang libing sa isang pribadong sementeryo sa Las Piñas City.

Kasama sa maghahatid sa huling hantungan ang mga taga OWWA. Nakahanda na rin ang Las Piñas PNP para magbigay ng seguridad sa libing bukas.

"We are expecting that government officials will be attending the funeral siguro baka by tomorrow we will prepare pur personnel for area security that composed of PNP and local traffic and MMDA ang importante kasi is huwag maantala ang biyahe," ani Las Pinas police chief Col. Jaime Santos. 

Ayon kay Santos, may mga pulis silang ilalatag sa lugar hanggang sa sementeryo.

Samantala, patuloy ang pagdating ng mga nakikiramay sa pamilya.
Ngayong hapon dumalaw sa burol si Senador Jinggoy Estrada.

Nanawagan ang senador sa Department of Migrant Workers na itigil na ang deployment ng mga OFW sa Kuwait.

Ayon sa kanya, nakita niya mismo kung ano ang sitwasyon ng mga OFW sa Kuwait noong bumisita siya doon nang siya ay chairman pa ng Committee on Labor.

Alas-6 ngayong gabi magkakaroon ng misa para kay Jullebee.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.