Pacquiao iginiit na walang atrasan sa kanyang kandidatura

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2022 09:32 PM

Sen. Manny Pacquiao. File photo
Sen. Manny Pacquiao. File photo

Walang balak umatras sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa Halalan 2022 si PROMDI standard bearer Manny Pacquiao.

Sabi niya, kailan man hindi umatras ang isang Manny Pacquaio sa anumang laban.

"Kung pinaparinggan nila kami na magba-back out, kailan niyo ba nakita si Manny Pacquiao na nagba-backout sa mga labanan? Nagpapatawa kayo sa akin. Kailan niyo ba narinig ako na umatras sa laban? Umaatras lang ako sa laban pagka mali ako. Pero hangga’t tama ako, kahit buhay ko itataya ko para sa bayan," ayon sa nagiisang 8-division champion.

Aminado si Pacquiao na may nag-alisan sa kanyang mga kakampi dati, pero hindi siya nanghihinayang dahil ang pinili niya ay taongbayan.

"Kaya nga sinasabi ko maraming nag-alisan sa akin. Maraming nawala aking grupo, kaibigan dahil nanindigan ako, ipinaglaban ko ang taumbayan. Kung nag-compromise ako, ang dami kong kaibigan. Hindi sila naglayuan. Hindi nila ako pinagsisiraan dahil ang pinili ko ang taumbayan," ani Pacquiao.

"Hindi ko pinili 'yung pagiging magkaibigan o grupo namin. Ang pinili ko taumbayan kasi ang commitment ko sa taumbayan."