LGU employee patay sa electric fishing sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2022 08:34 PM

Kuha ng MDRRMO Casiguran
Kuha ng MDRRMO Casiguran

Patay ang isang LGU employee matapos makuryente habang nangingisda sa ilog sa bayan ng Casiguran, Sorsogon nitong Miyerkules.

Ayon kay Catherine Brito, municipal disaster risk reduction and management officer ng Casiguran, off-duty ang biktima na si Lamic Peñaflor at nagkaayaan na manghuli ng isda gamit ang kuryente. 

Ikinabit daw sa baterya ng trak ang wire na ginamit sa pangunguryente pero nadulas daw ang biktima habang may kinukuha sa isang sulok ng naturang ilog sa Sitio Cagpacol, Barangay Lungib.

Natumba umano siya mismong sa kable ng kuryente. Dahil basa rin ang mga kasamahan, nahirapan din silang sagipin ang biktima.

Agad na nakapagresponde ang MDRRMO pero dahil sa lakas ng boltahe, patay na si Peñaflor nang madala sa rural health unit ng Casiguran.

Dahil sa insidente, nagbabala ang MDRRMO na huwag gumamit nang kuryente sa pangingisda. Bukod sa lubhang delikado, bawal din ito sa batas, ayon sa ahensiya.

—Ulat ni Jose Carretero

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC