Senado diringgin ang prangkisa ng ABS-CBN: Poe

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 04:47 PM | Updated as of Feb 17 2020 09:36 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Magkakaroon ng pagdinig ang Senado para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, sabi ngayong Lunes ni Sen. Grace Poe. 

Bagaman ang franchise bill ay nagmumula sa Kamara, hindi naman mapipigil kung gusto itong dinggin sa Senado kahit hindi pa nakapapasa sa mababang kapulungan, ayon kay Poe, na chairperson ng Senate committee on public services, na dumidinig sa mga panukalang batas na may kinalaman sa mga prangkisa.

Kung dati, ang pagdinig sana ay para malaman kung nasusunod ng Kapamilya network ang prangkisa, ngayon ay nagdesisyon ang komite na mismong ang panukala para sa renewal ng prangkisa na ang dinggin.

"Kailangan ng pagdinig para sabihin patas tayo kasi kung walang pagdinig, papaano natin malalaman ang mga isyu ukol dito?" anang senadora.

Sa Pebrero 27 nakatakda ang pagdinig.

Hindi bababa sa 11 panukalang layong ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN — na nakatakdang mapaso sa Marso — ang nakabinbin ngayon sa Kamara.

Hiningi naman ni Poe ang pang-unawa ng kanilang mga kasama sa Kamara pero kailangan aniyang isalang sa pagdinig ang panukala dahil marami ang gustong maliwanagan sa isyu.

FRANCHISE EXTENSION

Samantala, naghain naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon ng joint resolution para ma-extend ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang Disyembre 31, 2022.

Kailangan aniya ito para mabigyan ng mahabang pagkakataon ang Senado at Kamara na busisiin ang prangkisa kasunod ng mga alegasyon ng paglabag.

Magugunitang hiniling kamakailan ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang nakikita niyang paglabag.

Sa Kamara, tinutulak din ng ilang mambabatas na magkaroon ng resolusyon ang Kongreso para igiit sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority o pansamantalang lisensiya ang ABS-CBN at ABS-CBN Convergence.

Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, sa pamamagitan ng resolusyon, magiging malinaw sa NTC na nais ng Kongreso na magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN habang nakabinbin ang franchise bills sa 18th Congress.

Dati nang nakagawian na kapag nakasalang ang application for renewal, puwedeng magpatuloy ang operasyon ng kompanya kahit expired ang prangkisa, tulad ng nangyari sa Smart at GMA Network na nabigyan ng palugit.

Una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na palalamigin muna ang situwasyon bago talakayin ang ABS-CBN franchise dahil hindi naman agad magsasara ang kompanya.

Pero ayon kay Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Fortun, walang batas na nagsasabing puwedeng manatiling bukas ang kompanyang expired ang prangkisa at wala pang kapalit.

Puwede ring ipawalang bisa ng korte ang nakagawian ng Kongreso at NTC na palugit pagdating sa mga prangkisang alanganin, ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.

Naniniwala ang ilang mambabatas, kasama sina Lagman at Fortun, na puwedeng ipasara agad ang kompanya kapag nag-expire ang prangkisa.

Para kay Lagman at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, pinakamainam na dinggin na ang prangkisa dahil iyon lang ang tatapos sa isyu.

Sumulat si Lagman sa liderato ng Kamara para dagdagan ang araw ng sesyon bago mag-Lenten break sa Marso 11 para may panahon silang talakayin ang ABS-CBN franchise.

Iginiit naman ng tagapagsalita ng Kamara tungkol sa ABS-CBN franchise na si House committee on legislative franchise vice chair Antonio Albano na hindi isasakripisyo ng liderato ng Kamara ang kalayaan sa pamamahayag.

Kailangan lang daw talaga ng tamang timing o tiyempo para talakayin ang ABS-CBN franchise dahil komplikado ito. -- May ulat nina Sherrie Ann Torres, Robert Mano at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.