Mga Pinoy sa Guam, namahagi ng tulong sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 11:18 PM

Nakatanggap ang 200 pamilya mula sa Subic Ibaba at Subic Ilaya, Agoncillo, Batangas ng tulong pinansiyal mula sa BASTA Guam, USA, isang asosasyon ng mga Batangueño at residente ng Southern Tagalog Region sa Amerika sa tulong ng Rotary Club.

Nakatanggap sila ng tig-P5,000 financial assistance na magagamit para makapagpatayo muli ng pansamantalang tirahan habang nagrerekober sa pinsala ng pagsabog ng bulkang Taal.

Ibinigay ang tulong isang araw matapos na ibaba ng Phivolcs ang status ng bulkang Taal sa Alert Level 2.

Ayon kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes, nasa mahigit 2,000 kababayan niya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center o sa kanilang kaanak dahil walang silang bahay na matitirahan.

Balik-eskwela na sa Agoncillo sa Pebrero 24, kung saan isa sa gagawin ay ang evacuation drill sa mga paaralan.

Bahagi ng ensayo ang paggamay sa evacuation route at mga pick-up station ng mga lilikas papunta ng bayan ng Calaca at Balayan.-Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.