(UPDATE) Kinasuhan na umano ng Manila police ang 2 sa 7 binata na dawit sa pagsunog sa mga lobo ng isang vendor sa lungsod, na naging dahilan para magtamo ito ng mga injury.
Dalawa sa 7 na sangkot sa insidente ang nasa legal age na kaya sila ang kinasuhan ng arson resulting to serious physical injuries at alarm and scandal, ayon sa Manila Police District Special Mayor's Reaction Team (MPD-SMART).
Kinasuhan din ang 2 binata ng child abuse dahil sa pag-utos umano nila sa 5 kasamahan nilang menor de edad na sunugin ang lobo ng vendor.
Nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development ang 5 menor de edad na sangkot din sa pagsunog. Posibleng panagutin ang magulang nila.
Mga out-of-school youth at miyembro ng isang gang ang mga binata, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.
Inutusan daw ng 2 nakasuhan ang 5 menor de edad na sunugin ang mga lobo ng vendor bilang bahagi ng initiation sa gang, ani Moreno.
Magugunitang nag-viral noong nakaraang linggo sa social media ang pagsunog ng mga kabataan sa tindang lobo ng lalaking vendor sa Pandacan district.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang vendor, na nagtamo ng second-degree burn sa kamay at binti.
-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, arson, serious physical injuries, child abuse, balloon vendor, Maynila, Manila Police District