PatrolPH

Umano'y gun runner, patay sa engkwentro sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2019 08:42 PM | Updated as of Feb 17 2019 08:43 PM

Patay ang isang umano'y gun runner nang mauwi sa engkwentro ang operasyong ikinasa ng pulisya sa Barangay Arenas sa bayan ng Arayat, Pampanga Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Senior Inspector Glen Santelices ng Pampanga Provincial Police Office, bibili umano sila dapat ng baril mula sa suspek na si Hilario "Hiner" Sabado.

"Nung naabot na namin 'yung pera, 'yung buy-bust money namin, nakuha namin 'yung subject namin ng buy-bust. At the same time, na-sense niya na police officer 'yung ka-deal niya, pinutukan niya 'yung aming tropa," ani Santelices.

Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis na siyang ikinasawi ni Sabado.

Dagdag pa ni Santelices, miyembro umano ng isang gun-for-hire group si Sabado.

"Isa siyang member ng gun-for-hire (group), at the same time nagbebenta siya ng baril," aniya.

Sangkot rin umano ang suspek sa mga serye ng barilan sa lugar at sa mga karatig-lalawigan tulad ng Nueva Ecija at Bulacan.

Pinabulaanan naman ito ng kaniyang asawa.

Dagdag pa niya, pinatay na walang kalaban-laban ang kaniyang asawa.

Bukod sa kalibre .45 na baril na target ng buy-bust, nakuha rin sa crimescene ang isa pang baril at ginamit na motorsiklo ni Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.