Ilang PWD hirap pa ring makahanap ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2019 06:57 PM

Watch more in iWantTFC

Mayroong intellectual disability ang 24 anyos na si Martin Sanchez pero hindi ito naging hadlang sa kaniya para matuto.

Sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at isang foundation, isang buwan nakapag-aral si Sanchez ng pagiging barista.

Sa ngayon, umeekstra si Sanchez sa pagtanghal ng yoyo tricks sa mga party pero pangarap niya raw talaga na maging ganap na barista.

"Nakapagpasa na po ako resume pero di po ako nakapasa," ani Sanchez.

Hirap ding makahanap ng regular na trabaho ang 25 anyos na si Karla Sunga.

Nabulag si Sunga sa edad na 16 nang magkaroon ng inactive brain tumor.

Muntik na sanang makuha sa trabaho si Sunga pero umurong ang recruiter nang aminin niyang siya ay visually-impaired.

"Hindi daw puwede eh, baka raw mahirapan ka sa trabaho," aniya.

Para sa mga gaya ni Sunga na may kapansanan sa paningin, nag-aalok naman ang pagsasanay ang mga establisimyento gaya ng ATRIV Training Center.

Tinuturuan, halimbawa, sa center ang mga visually-impaired na mag-computer gamit ang screen reader.

Bukod sa mga nangasiwa sa pagsasanay na nilahukan nina Sanchez at Sunga, nagsasagawa rin ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ng work-from-home training para maibsan ang diskriminasyon ng mga person with disability (PWD) sa trabaho.

Sapat naman ang training programs na inaalok ng gobyerno sa mga PWD na nais makahanp ng trabaho, ayon sa ahensiya.

Pero kulang daw ang serbisyo para ma-access ito ng mga PWD, ani NCDA Executive Director Carmen Reyes-Zubiaga.

Ayon naman sa TESDA, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga pamahalaang lokal para maabot ng mga PWD ang kanilang pagsasanay.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10524, kailangang maglaan ang mga pribadong kompanya na may higit 100 empleyado ng isang porsiyento ng mga posisyon para sa mga PWD.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.