TESDA skills training para sa rebel returnees, ikinasa na

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 09:21 AM | Updated as of Feb 17 2018 09:22 AM

Dumaan sa jobs bridging seminar ng TESDA ang unang batch ng rebel returness na pinangakuan ng livelihood program ng Pangulong Rodrigo Duterte. Rodirey Salas, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Sumailalim sa "jobs bridging" seminar nitong Biyernes ang unang batch ng mahigit 200 rebel returnees na pinangakuan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng livelihood program sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang unang batch ng 50 rebel returnees ay na-enroll sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) ng National Integration Scholarship Program ng TESDA. Ang seminar ang panimula ng kanilang pagsasanay. 

Isa si alyas Hector, dating New People’s Army squad leader, sa mga makikinabang sa programang ito ng TESDA.

Nais ni Hector na makapag-drive at makapag-aral ng pagme-mekaniko upang makapag-trabaho at makatulong sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Hector, masaya siyang may pag-asa na siyang makapag-trabaho matapos ang skills training.

Bukod sa mga rebel returnees, kasamang makikinabang sa programa ng TESDA ang mga indigenous people (IP).

Paliwanag ng TESDA, bukas naman para sa lahat ang mga programa nito na skills training pero binigyang prayoridad lang ang mga rebel returnees at IPs base sa mandato ng Pangulo sa ahensiya.

“Unang hakbang pa lang ito sa socio-economic mainstream ng administrasyon ng Pangulo ngayon. Gusto kasi ng Pangulo na magkaroon ang lahat ng magandang trabaho regardless of education background o attainment. It’s a social obligation ng government to teach them,” sabi ni TESDA Director General Guiling Mamondiong.

Magde-depende naman sa mapipiling skills training program ang haba ng pag-aaral ng bawat trainee sa TESDA.

Libre ang pag-aaral at mabibigyan pa ng meals at transportation allowances ang mga benepisyaryo nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.