SOCO: 15-anyos na lalaki, natagpuang patay, hubad sa talahiban

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 03:34 PM

 

 

Unang nag-krus ang landas ng 15 taong gulang na si alyas “Noel” at 33-anyos na beautician na si Marlon Balderas sa Brgy. San Gregorio sa Rizal, Nueva Ecija noong 2010.

Bagama't baguhan sa lugar, madaling nakilala si Marlon dahil madalas itong magbigay ng libreng gupit sa mga kapitbahay. Ito rin ang naging paraan para magkaroon sila ng espesyal na pagkakaibigan ni Noel.

“Mabait naman kung sa mabait ang pagkakilala namin sa [kay Marlon],” paglalarawan ng ama ni Noel na si alyas “Norlito.”

“'Pag po galing ng bayan si Marlon, tinatawag niya po 'yung anak ko, pupunta po sila sa bahay niya, magluluto sila ng merienda. Minsan po, pananghalian,” banggit naman ng ina ni Noel na si alyas “Gina.”

Pero unti-unting nagtaka ang mag-asawa sa pagkakaibigan nina Noel at Marlon dahil sa mga naging usap-usapan sa kanilang lugar.

“Akala ko kaibigan lang talaga 'yung [hanap] niya sa anak ko. ‘Yun pala hindi. Meron po palang mas [malalim] doon,” sabi ni Gina.

“Sabi ng mga kapitbahay, sila ay may relasyon. ‘Yun ang naririnig namin. Lagi-lagi kasi, lagi silang magkasama araw at gabi,” kuwento naman ng dating barangay chairman na si Rolando Abagat.

Mariin namang pinabulaanan ni Noel ang tsismis. Aniya, meron siyang nililigawang babae.

“Sabi niya po sa akin, may nililigawan daw po siya. Pinabasa niya sa amin, ‘Kamusta ka na mahal?’ mga text,” ani Norlito.

Pero dakong alas-2 ng hapon noong Hulyo 4, 2010 nang magpaalam si Noel na lalabas ng tahanan.

“Nagpaaalam po 'yung anak ko na pupunta ng bundok. Ililipat 'yung baka namin. Akala ko naman po inutusan ng tatay niya,” pag-alala ni Gina.

“Kasi po nung oras po na ‘yun, hinihila po ako ng antok. Nagpapalaam po siya sa akin, sumasagot naman po ako sa kaniya. Basta nakapikit lang po ako.”

Pero makalipas ang ilang oras, hindi na bumalik ang binatilyo.

“Kinakabahan po, baka po naano na 'yung anak ko, natuka ng ahas. Baka po naaksidente,” sabi ni Gina.

Kasama ang mga taga-barangay, hinanap ng mag-asawa ang kanilang anak.

“Talagang nung time na ‘yun, kinakabahan na po kasi ako. Kasi 'yung bata na ‘yun, hindi po talaga gumagala,” ani Gina.

Pero matapos lang ang ilang saglit, natagpuan nila si Noel na nakadapa at walang saplot sa may talahiban.

“Nakadapa 'yung biktima, hubo’t hubad. Nakadapa, then may nakita kami na isang tipak na malaking bato. May dugo saka upos ng sigarilyo, saka 'yung damit ng bata nasa gawing ulunan niya,” pagsisiyasat ng dating investigator-on-case na si SPO4 Ariel Alcantara.

Sundan ang mga dokumentong pagsisiyasat sa tampok na “crime of passion” sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.