Paggunita sa anibersaryo ng Gomburza, sinabayan ng protesta kontra ‘Cha-cha’

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsagawa ng dula-dulaan, martsa at pagdarasal sa lungsod ng Maynila, Sabado ang mga tumututol sa Charter change. 

Kasabay ng ika-146 na anibersaryo ng paggarote sa 3 paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, isang pagsasadula ang isinagawa sa tapat ng monumento ng Gomburza sa P. Burgos Avenue sa Maynila.

Isa sa mga gumanap na Gomburza ay si Father Robert Reyes. 

May hawak na karatulang may nakasulat na "Kalayaan, Kasarinlan at Karapatan" ang 3 pari, dahil ayon sa kanila, ang mga ito naman ang ginagarote sa kasalukuyang panahon.

Nagmartsa rin patungong Luneta ang mga pamilya ng umano'y biktima ng extrajudicial killings, bitbit ang mga pula at itim na lobo na tinalian ng mga sulat ng mga naulila para sa kanilang napatay na kamag-anak, mga lobong sa kalauna'y pinalipad.

Pormal din na inilunsad sa People Power Monument sa Quezon City ang "dasal at ayuno laban sa Cha-cha, para sa demokrasya," o 9 na araw na pananalangin at pag-aayuno bago sumapit ang anibersaryo ng Edsa People Power 1.

Hindi kakain, kundi iinom lang ng tubig ang mga makikiisa sa panalangin, na tatagal hanggang Pebrero 25.

Simula Linggo, tuwing alas-3 ng hapon, tatalakayin sa People Power Monument ang mga mahahalagang aspeto ng 1987 Constitution.

Susundan naman ito ng araw-araw na misa tuwing alas-6 ng gabi hanggang sa paggunita ng Edsa 1.

--Ulat ni Jerome Lantin at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.