NFA, pinag-iisipang alisin sa merkado ang P27/kilo bigas; DTI umalma

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinitingnan ng National Food Authority (NFA) ang posibilidad na tanggalin na sa merkado ang pinakamurang NFA rice.

Sa halagang P27 at P32 kada kilo, ang NFA rice na ang pinakamurang bigas sa merkado.

Bagama't hindi kasing ganda ang kalidad kumpara sa commercial rice, tinatangkilik pa rin ng marami ang bigas dahil mura.

Pero ngayong nagkaroon ng kakulangan, tinitingnan ng ahensiya ang posibilidad na tanggalin na sa merkado ang P27 kada kilo na bigas.

" 'Pag ang P27 [na bigas] mo masyadong malayo du'n sa commercial . . . uubusin 'yung P27 mo," ani Rex Estoperez, direktor ng NFA.

Pero dagdag ni Estoperez, pag-aaralan pa ng ahensiya kung magkano ba dapat ang pinakamurang NFA rice, o kung ang P32 kada kilo na lang ang matitirang ibebenta sa merkado.

Kailangan din daw kasing maaprubahan muna ito ng food council, pati na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sagot naman ng Department of Trade and Industry (DTI), maganda ang adhikain ng NFA, pero hindi akma sa panahon kung ngayon tatanggalan ng alternatibong murang bigas ang mga konsumer.

Ayon naman sa Department of Agriculture, nakatuon ang kanilang mga programa sa pagsiguro na hindi malulugi ang mga maliliit na magsasaka.

Siniguro naman ng NFA na lahat ng ipatutupad nilang mga pagbabago ay alang-alang sa kapakanan ng pinakamahihirap na konsumer.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.