Mag-anak, sugatan sa aksidente sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 02:15 PM | Updated as of Sep 21 2018 09:44 PM

CAMARINES SUR – Pitong magkakamag-anak ang sugatan, kabilang na dito ang apat na mga bata, matapos maaksidente Sabado ng umaga sa Maharlika Highway.

Ayon sa pulisya, papunta sana sa Naga City ang mag-anak sakay ng Mitsubishi L300 na may plakang WEX 502 at minamaneho ng ama ng pamilya na si Santiago Radaza, 70 anyos.

Binaybay ng mag-anak ang kahabaan ng highway sakop ng Sitio Uguis 1 sa Barangay San Isidro, Libmanan nang aksidenteng tumagilid ang van pasado alas-9 ng umaga. Iniwasan umano ni Radaza ang naiwang puno sa gilid ng kalsada mula sa road widening project doon.

Sakay rin ng van ang asawa ni Radaza na si Evangeline, 65, at anak na si Jennifer Bernal, 34, na kapwa nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Sugatan rin ang limang apo ng driver na mula 5 buwang gulang hanggang 11 taong gulang.

Dinala na sa NICC Hospital sa Naga ang mag-anak habang nananatili pa sa lugar ang tumagilid na van para sa imbestigasyon ng pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.