‘Love triangle’ malabo umanong motibo sa tinambangang pulis sa motel

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 08:22 PM | Updated as of Aug 28 2019 03:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Motibong may kinalaman sa trabaho ang higit na pinaniniwalaan ng mga kaanak ni SPO2 Ernesto Sanchez kung bakit siya tinambangan sa isang motel noong Biyernes. 

Ito'y matapos kumalat ang anggulo ng "love triangle" gawa na ring may kasama siyang 20 anyos na babae sa motel nang mangyari ang krimen.

"Oo, malayo kasing mangyari 'yun . . . Antayin na lang natin 'yung ano ng investigation," ayon sa asawa ni Sanchez, isa ring pulis. 

Masaklap aniya na wala man lang nagawa ang mga guwardiya ng motel nang mangyari ang pamamaril.

Depensa naman ng isang guwardiya, dinisarmahan sila ng mga gunman at binantaang huwag makialam.

Mga alegasyon kay Sanchez

Tubong Nueva Ecija ang napatay na pulis.

Naikuwento pa umano nito sa kaniyang matalik na kaibigan na si Roman Barroga ang tungkol sa kalakaran ng droga sa lugar.

Taong 2012 maaalalang idinawit ng isang PO3 Alexander Saez si Sanchez at 9 na iba pang kasamahan niya sa Anti-Illegal Drug Special Operations Task Group sa Taguig dahil umano sa pagre-recycle ng droga na ibinebenta sa mga drug pusher.

Pero ayon kay Chief Supt. Tomas Apolinario, deputy director ng Southern Police District, hindi umano ito umusad sa korte. 

"It never prospered in court, hindi napatunayan . . . War on drugs is a very dirty tactic . . . Kung minsan kung sino pa 'yung nagtatrabaho, in the end sila pa 'yung machi-chismis, sila pa 'yung kakasuhan," ani Apolinario.

Pero bilang isang SPO2, naging kuwestyunable naman sa ilan ang mga naipundar ni Sanchez sa probinsya. 

Tumanggi naman humarap sa ABS-CBN News ang mga kaanak niya roon.

Nakatakdang iuwi sa Martes ang mga labi ni Sanchez sa Nueva Ecija.

Nasa stable condition na rin ang kasama niyang babae. 

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.